Sunday, June 28, 2015

Ging, Little Lucy and Suicide Susy



Pagbalikang tanaw naman natin ngayon  ang mga batang  karakter sa komiks. Sila ang nagbigay aliw, kinalugdan at minahal ng mga komiks readers noon, particularly ng ating mga ina (kasama na dito ang yumao kong nanay) na siyang tumangkilik, nagbasa at sumubaybay sa kanilang mga kasaysayan. 



Unahin natin si GING, isang batang iniyakan ang kasaysayan at unang ipinakilala ng creator nito na si Mars Ravelo ka-tandem ang dibuhistang si Elpidio Torres sa mga pahina ng Liwayway Magazine noong 1963. Ito ay isinalin sa pelikula sa ilalim ng pamamahala nina Direk Cirio H. Santiago at Teodorico C. Santos. Si Vilma Santos ang gumanap sa title role na Ging.


Isa pa sa batang komiks karakter si LITTLE LUCY. Katulad ni Ging,   napamahal din sa mga komiks readers ang karakter na ito na ipinakilala sa mga pahina ng Pilipino Komiks noong 1960 ng creator nitong si Mars Ravelo. Si Nestor Redondo naman ang nagdibuho nito. Nang ito’y isa-pelikula  ang movie direktor na si Cesar Gallardo ang nagdirihe nito at ang  child actress noon na si Ludy San Juan ang gumanap sa title role.


Kung ang dalawang naunang batang komiks character  ay iniyakan, ang bata namang si SUICIDE SUSY ay hinangaan sa kanyang nakatutuwa at kalugod-lugod na katauhan at katapangan. Siya ay ipinakilala ni Mars Ravelo sa mga pahina ng Pilipino Komiks noong 1963 ka-tandem ang komiks illustrator na si Fred Carrillo. Katulad ng dalawang nauna, isinapelikula rin ito sa ilalim ng pamamahala ni direk Chat Gallardo. Si Ludy San Juan ang muling gumanap sa title role na Suicide Lucy. 


Ilan lang sila sa mga batang komiks characters na ating pinababalikang tanaw bilang pag-aalaala sa nakalipas. At siyempre pa kasama na ditong ginugunita natin ang kanilang mga yumaong creators na sina Mars Ravelo, Elpidio Torres, Nestor Redondo at Fred Carrillo.  Komixpage is remembering Ging, Little Lucy, Suicide Susy.


No comments: