Friday, December 7, 2007

Nestor Malgapo's Artworks


NESTOR MALGAPO’S ARTWORK

Isa sa hinahangaan ko ay ang dibuhistang si Ka Nestor Malgapo. Naging taga-subaybay na niya ako maski noong hindi pa ako nagsusulat sa komiks. Gandang-ganda ako sa kanyang dibuho at napaka-refine niyang gumuhit na katulad ni Nestor Redondo. Walang padaplis-daplis na gaya ng iba na parang inilampaso ang brush ng tinta sa kanilang mga gawa kaya nagmumukhang dugyot ang pagkakaguhit. Ang una kong natipong gawa niya noon ay ang idinibuho niyang nobela na may titulong “Baryo Abandonado na aking ipina bookbind. Ganoon din ang labis kong hinangaan na illustration niya sa nobelang “Ang Huling Lalaki ng Baluarte,” na lumabas sa Pilipino Komiks. Pulido ito at napakaganda ng kanyang pagpapatakbo sa istorya. Gandang-ganda rin ako sa nobelang ito ni Carlo J. Caparas. Subalit ang hindi ko alam ay kung bakit naputol ang kanilang tambalan ni Carlo sa latest part ng nobela na itinuloy naman ng mahusay ding si Karl Komendador. Bilib din ako kay Karl basta action ang iginuguhit lalo na at may pagka-western ang tipo. Kinumpleto ko pa rin ang nobelang ito na akin ding ipina bookbind gaya ng nauna.


Nang nagsusulat na ako sa GASI, may illustrator na nanghiram sa akin ng librong ito na guhit ni Nestor Malgapo at ipapo-photo copy daw para magamit niyang reference. Hindi ko naman siya pinagmaramutan , pero nang kinukuha ko na sa kanya ay parang ayaw ng isoli. Tila pinag-interesan kung baga. Sa pangungulit ng katoto kong writer na si Benedict Del Gallo sa kanya, isinoli rin niya pero may mga bahagi ng punit, although hindi naman nabawasan ang pahina. Ang ginawa ko ay nilagyan ko na lang ng scotch tape para huwag namang tuluyang masira. Ito kung minsan ang mahirap sa nagmamagandang loob na magpahiram, hindi nila iniingatan ang isang bagay tulad ng pag-iingat dito ng may-ari.


Balik tayo sa trabaho ni Ka Nestor Malgapo. May isa pa siyang ginawang illustrations na higit na pulido at napakaganda ng pagkakadibuho. Ito ay lumabas sa LIWANAG Illustrated Magazine. Ang komiks na ito ay inilabas noong 1999 ng IGLESIA NI CRISTO. Nabigyan ako ng kopya nito ng aming katiwala ng Purok sa Lokal ng Maharlika sa San Jose Del Monte City sa Bulacan at ng buklatin ko ay napa-wow ako. Si Nestor Malgapo pala ang illustrator nito.


Ang Liwanag Illustrated Magazine ay naglalaman ng talambuhay ni Ka Felix Y. Manalo na sinulat naman sa comics script ni Ka Nita Eden. Ang alam ko ay maglalabas pa sana ang Iglesia ni Cristo ng kasunod na issue sa pagsubaybay ni Ka Nestor ayon naman sa pagkakakuwento sa akin ng yumaong Ka Nar De Mesa noon. Katunayan ay hinihingan niya ako ng mga komiks script na para sa Liwanag Illustrated Magazine. Mga kuwentong inspirational ito at may kinalaman sa pananampalataya. Ilan sa mga kapwa ko komiks scriptwriter at illustrator noon na sina Eddie Conda Abuque, Jun Estrada at Joven Gapuz ay nahingan din subalit hindi yata nag-prosper ang project. Ganoon pa man, Ka Nestor Malgapo’s artwork in this Ka Felix Manalo’s autobiography were now in included in my bookshelves.

2 comments:

Anonymous said...

Sayang at na -miss ko yung art-career ni Ka Nes. Sa tingin ko, siya ang obvious HEIR-APPARENT, ni Mang Nestor Redondo. Mas magaling at mas dynamic pa nga ang mga compositions niya compared with Redondo. Very cinematic ang kaniyang story-telling, iba -ibang anggulo, mi long-shot, medium shot, close-up, extreme close-up ang kaniyang mga compositions, hindi boring. At mi pag ka academician pa si Nes, nagtuturo siya ng komiks illustrating para sa mga young komikeros, as exemplified by his DynaCoil compilations. Iyan ang dapat tularan, very generous sa kaniyang talent at oras sa pagtuturo.


Auggie

TheCoolCanadian said...

Tunay ka, Arman. Paborito ko rin si Nestor Malgapo. Siya yata sa lokal komiks ang may mga pinakamagagandang figura ng tao. Lalo na ang mga babae niya, talagang magkaka-CRUSH ka. He-he.

Ang napakaganda pa niyang ginawa ay yung MAGANDANG GABI SA INYONG LAHAT. Layout, story-telling, design elements – excellent lahat. Ganoon din ang mga obra niya sa DC noong 1980s na tulad ng House of Secrets at House of Mystery. May mangilan-ngilang iginuhit noon si Jim Fernandez na si Nestor ang nagpatuloy (tulad halimbawa doon sa nobela n Mars Ravelo na HAYDEE THE BROWN GIRL AND THE WHITE IDOL), at gayong inihawig niya sa mga figura ni Fernanez ang mga tauhan, Nestor made the illustrations quite unique, and definitely his own. Isa pa ito sa hinahangaan ko sa kanya. Kapag ipinagpatuloy niya ang series ng ibang artist, hindi ka maiilang na basahin ang bawa't issue dahil kung ano ang itsura ng mga established characters ay kuhang-kuha niya ang mga figura nito.

Kaya nga very unfair na nang magbigayan ng awards sa mga illustrators, ay kung bakit very sweeping ang category na dapat sana'y ginawang for a particular year lamang at hindi yung FOREVER ang dating na tulad ng kategoryang THE BEST ILLUSTRATOR IN THE PHILIPPINES (for life). Dapat sana'y bawa't taon lamang. Kung magaling pa rin ang ginawa ng artist the following year ay di bigyan uli ng award. Pero kung ang kategorya natin ay PANGHABANG BUHAY, nagiging questionale tuloy ang award.

Walang duda, isa sa the best si Nestor Malgapo at world class ang dating ng kanyang mga obra.

Yung ipinadala niyang mga Biblical illustrations ay iprinint ko at ikinuwadro. They are all awesome.