Wednesday, July 9, 2014

Erick Santos


 Erick Santos
Komiks Illustrator/Lettering Artist

Sa komiks, may isa pang talentong  nasa likod ng mga writer at illustrator. Sila ang tinatawag na letratista o naglalapat ng letra o dialogue sa komiks. Mahalaga ang role na ginagampanan ng isang letratista sa komiks at dito nakasentro ang bulk ng trabaho ni Erick Santos. Marami na rin akong nakitang trabaho ni Erick  na siya ang naglapat ng letra. Hindi lang sa local komiks, naging international lettering artist din si Erick dahil nagkaroon siya ng chance na makapaglapat ng letra sa mga comics abroad noong mid 70’s.  Siya ang letratista ng mga Pilipino komiks illustrator na gaya nina Nestor and Francisco Redondo,  Frank Reyes,  Rudy Florese  etc,  na gumagawa ng kanilang mga obra sa DC Comics. Ilan sa mga niletrahan niya ay ang “Tarzan”, “ Sgt. Rock” at marami pang iba. Although, sa pagiging letratista siya mas naging abala, isa rin siyang dibuhista. Siya ang nagdidibuho sa column na “Sing Along” na lumalabas sa Superyor Komiks noong 1969.

Ilan sa dibuho at obrang nilapatan
ni Erick Santos ng letra sa
komiks

(Courtesy of Edgar Bercasio)
"Sing Along"
Isang music column sa Superyor Komiks na 
si Erick ang nagdidibuho 

"Korak Son of Tarzan"
Iginuhit ni Rudy Florese 
Letratista: Erick Santos
 "Sgt. Rock of Easy Co."
Iginuhit ni  Francisco Redondo
Letratista: Erick Santos

Sunday, July 6, 2014

Pagbulusok ng Komiks Industry (Part 6)



May mga nagsasabi na noong dekada 70 nagsimulang bumulusok pababa ang komiks. Meron namang Dekada 80 daw. These allegations was contrary to what Mr. Fernando Pimentel told during the GASI Grand Reunion. Ang sabi niya, ang pinaka-boom  daw ng komiks industry ay noong 1974. Nang magsimula akong pumalaot at maging bahagi ng industriya bilang contributor noong kalaghatian ng dekada 80, hindi ko ramdam na pabulusok na ang komiks. Sa panahong ito kasi higit na dumami ang mga komiks title na inilalathala ng dalawang higanteng publikasyon noon, ang GASI at ATLAS. 

Ang GASI ang isa sa higanteng komiks publication na 
may pinakamaraming komiks titles na inilathala
sa kasaysayan ng komiks sa Pilipinas.

Maging sa unang taon nang Dekada 90 ay wala pa rin akong nakikitang palatandaan dahil ito ang panahong pinaka-produktibo para sa mga contributors (writers and illustrators) sa dami ng scripts at illustrations.  May kompetisyon pa ngang  nagaganap sa mismong bakuran ng GASI, na may tatlong publication (GASI, Sonic at API). Noon ko rin napansin na humahaba ng humahaba ang mga pumipilang contributors para maningil. Umaabot pa nga ito kung minsan sa hagdan pababa sa lobby/entrance ng GASI. Indikasyong  masigla pa rin ang komiks. Sa dekadang ito ko rin natatandaang ipinakilala sa mga readers ang kanilang mga prosang romance pocket book novels and novelette.

Mga Palatandaan na Pabulusok na ang  Komiks

Kalagitnaan nang dekada 90 ko nahalata ang totoong pagbulusok ng industriya although, maraming mga komiks titles pang inilabas sa circulation ang GASI na pawang mga experimental, unfortunately, hindi ito nag-klik  after several issues. May pagkakataon pa ngang  gumawa ng isang “pagkakamali” ang GASI, na ikinainis marahil ng mga komiks readers. Bakit ko nasabi ito? Kung kayo ba ay komiks readers na bumili  ng limang komiks titles at mababasa ninyo ang isang kuwento sa isang title na ganito rin ang nilalaman sa isa o dalawa pang komiks title na  nabili ninyo, matutuwa kayo? Of course not. Pero may nangyaring ganito. May mga nabili akong kopya ng komiks noon na yung kuwento kong lumabas sa Space Horror ay mababasa rin sa iba pang title in the same week na ito ay inilimbag. Ito ay sa GASI ko naobserbahan dahil dito lang ako noon nagsusulat. Ang impact nito ay mas naramdaman nang buwagin ang higanteng GASI  at pagwatak-watakin ang mga komiks title na inilalathala nila and the rest is history.

Ang Kahirapan at ang Pagpasok ng Modernong Teknolohiya


Ang editorial na nalathala sa isa sa pinakamabiling komiks 
ng GASI, ang LovelifeKomiks noong huli nitong labas 
na sinulat ng editor nitong si Emily Mendoza
Ventura

Maraming kadahilanan kaya humina at bumulusok pababa ang komiks industry. Nangunguna na rito ang “kahirapan” na nadagdagan pa ng magsulputan ang mga makabagong “gadget” na produkto ng makabagong teknolohiya at binalingang libangan ng mga kabataan. Ayon kay Mr. Pimentel na narinig kong sinabi niya noong nagkaroon ng GASI Grand Reunion, ang modern technology ang pumatay sa komiks, making it “obsolete.” Ganito man ang kanyang sinabi, sa aking sariling pananaw, hindi maaaring ipuwera sa pagkawala ng komiks ang “kapabayaan” at maaaring ang “kawalan na rin ng interest” ng mga mismong nagmamay-ari ng malalaking publication na ito na isalba pa ang humihinang industriya. So, saan nga hahantong ito? Sa tuluyang pagbulusok at kamatayan ng komiks. Kung meron mang mga tao o personalidad na nag-aangkin na dahil daw sa pagkawala sa circulation ng  sikat nilang pangalan”  kaya humina o bumagsak ang komiks industry, ito po ay isang malaking kahambugan at kasinungalingan. 


Sa Susunod:  Sa Likod ng Pabulusok na Industry, may Behind the Scene na Nangyayari


J. Mationg

J. Mationg
Komiks Illustrator

Isa pa sa gusto kong idagdag sa talaan ng mga dibuhistang nakapag-ambag din ng kanyang mga larawang guhit sa komiks si J. Mationg. Hindi ko siya naka-tandem noong dekada 90, pero may mga nakita akong dibuho niya sa GASI. Hawig sa mga larawang guhit ni Emy Bautista ang kanyang mga artworks na ang pundasyong pinaghugutan naman ay mapapansing  kay Ka Nestor Malgapo. Wala akong ibang information  about J. Mationg or idea kung kailan siya nagsimula ng kanyang illustration career pero the fact  na nakapag-share din siya sa industriyang ito ng kanyang mga obra ay sapat na para siya alalahanin ng Komixpage.

Isa sa mga kuwentong iginuhit ni
J. Mationg sa Komiks

 "Ikaw Lang"
Written by Ronald Tabuzo
Page 1
Page 2
Page 3
Page 4

Source: Komixpage Files
 
 

Thursday, July 3, 2014

Mga Pasulatan at ang Kahalagahan ng Komiks sa Buhay ng mga Pilipino (Part 5)



Dalawang Klase ng Pasulatan


Dahil sa tagumpay at mabilis na paglaganap ng mga komiks sa Pilipinas noon, marami ang nagka-interes na magtayo ng pasulatang naglalathala ng komiks. Ganoon man, may dalawang klase ang pasulatan. Ang may sariling imprenta at walang sariling imprenta

.

 GASI at Atlas
Halimbawa ng mga pasulatang may 
sariling imprenta


May Sariling Imprenta


Sa may sariling imprenta nahahanay ang malalaking pasulatan. Bukod sa may malaki silang puhunan, buo at matatag din ang kanilang organisasyon sa paglalathala. Meron silang mga kawani sa printing, editorial, circulation, advertising at accounting na nasa ilalim ng pangalan ng kanilang mga kumpanya. Malaki ang bentahe ng may malaking pasulatan  gaya ng mga sumusunod: Nakakakuha sila ng mas malaking alukasyon sa ginagamit na papel. Kumikita sila sa lahat ng mga nagpapa-imprenta sa kanila. Nakakabawi rin sa iba kung nalulugi sa sarili nilang inilalathala. Naililimbag  din nila sa mas mababang halaga ang sarili nilang komiks at nabibigyan ng mahigpit na kompetisyon ang mga walang sariling imprenta. Ito ang ilan sa mga dahilan kaya ang mga babasahing inilalathala ng maliliit na publication ay nangangawala at ang malalaking pasulatan lang ang nanatili sa larangan ng paglalathala.


Walang Sariling Imprenta


Sa mga walang sariling imprenta, mas maliit ang kanilang puhunan. Hindi rin nila problema ang mga tauhan sa paglalathala ng kanilang mga komiks dahil nagbabayad lang sila sa  pagpapa-imprenta, batay sa dami ng kailangan nilang sipi. Kung meron man silang opisina, ang kanilang kawani ay binubuo lamang ng patnugot at ng isa o dalawang nakakatulong nito sa opisina. Sa ilang pasulatang ganito, kung minsan, ang mismong namamatnugot na rin ang tuwirang nangangasiwa sa lahat pati na ang pamamahagi sa ahente ng komiks, at pagbabayad sa mga dibuhista at manunulat.


Ang Kahalagahan ng Komiks sa Buhay ng Pilipino


Hindi lang mabisang uri ng aliwan, ‘di kalabisang sabihin na ang komiks ang isa sa naging epektibong tagapagpalaganap at tagapaglinang ng wika at kaisipang Pilipino noon. Sa pamamagitan ng komiks, may mga kabataan, o maging katandaan din na bagamat hindi nagkapalad makapag-aral ng pormal, ang komiks ang naging behikulo nila para matutong bumasa. Meron ding ang komiks  ang humasa sa kanilang isipan para lumawak ang pang-unawa at matuto sa mga leksiyong moral na kanilang napupulot dito. Hindi katakataka na may mga nagsasabi noon na “sa komiks ako natutuong bumasa” o di kaya ay “natutong gumuhit at sumulat”


Marami  sa kanila na ang komiks ang naging sanhi para magising ang kanilang mga kamalayan sa dalawang uri ng sining na nakapaloob dito, ang sining sa pagsulat at sining sa pag-guhit. Naging hagdan nila ito para mahasa at mapulido ang kanilang mga talento patungo sa iba pang larangan o medium na may kaugnayan din sa sining. Makalikha ng mga immortal na karakter, na naging bukang-bibig ng pamayanan dahil sa kanilang kaaliwan.


Sa  trabaho, hindi na kailangang isa-isahin ang napakalaking tulong nito sa larangan ng paghahanap-buhay. Ang isang malaking publication ay maraming kawani na pinasusuweldo. Hindi lang ang mga empleado nila ang nabibigyan nila ng pagkakakitaan. Kasama na dito ang mga manunulat, at dibuhista sa komiks na nagtutulong-tulong para mabuo ang kanilang produktong komiks. May ilang kabataang manunulat nga dati sa komiks na nagsasabing nakatulong sa kanilang pag-aaral ang kanilang kinikita sa komiks, at naging stepping stone nila ito sa kung ano sila ngayon sa propesyong pinagsunugan nila ng kilay. 


Maging ang mga malalaking ahente hanggang sa ordinaryong nagtitinda ng komiks noon sa mga bangketa ay kumikita rin ng malaki. Isama na natin dito ang mga tindahang sari-sari sa maliliit at liblib na baryo ng ating kapuluan na inaabot ng sirkulasyon nito na nagpapaarkila noon.

 Sa Susunod: Pagbulusok ng Komiks Industry